Monday, 12 September 2011
PNoy Speech on PNP Change of Command Ceremony
Do you like this story?
Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas Sa pagpapalit-atas ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas [Inihayag sa Kampo Crame, Lungsod ng Quezon noong ika-9 ng Setyembre] Kagalang-galang Presidente Fidel Valdez Ramos; Excellencies of the Diplomatic Corps; Senator Panfilo Lacson; Police Director-General Raul Bacalzo; Police Deputy Director General Nicanor Bartolome; Members of the Cabinet present; namely, the Executive Secretary; Secretary Jesse Robredo; Secretary Voltaire Gazmin; Secretary Cesar Garcia; members of the House of Representatives, namely, Representatives Pablo John Garcia, Leopoldo Bataoil, Ben Evardone, Erineo Maliksi, Tomas Apacible, Mel Senen Sarmiento; Solicitor General Joel Cadiz; Civil Service Commission Chair Francisco Duque; AFP Chief of Staff General Eduardo Oban; Major Service Commanders; Lt. General Arturo Ortiz; Lt. General Oscar Rabena; Vice Admiral Alexander Pama; Bishop Leopoldo Tumulak; officers, uniformed men and women of the Philippine National Police; my fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan: Halos isang taon na ang nakakaraan mula nang hinirang natin bilang pinuno ng Philippine National Police si Heneral Raul M. Bacalzo. Kung maaalala po ninyo, naitalaga siya sa mga panahong mainit ang mga usapin tungkol sa trahedyang nangyari sa Quirino Grandstand, at kaliwa’t kanan ang pambabatikos ng iba’t ibang kampo sa atin pong kapulisan. Ngunit wala ni anumang pagdududa sa isip ko sa kakayahan ni Heneral Bacalzo na isulong ang mga repormang nais nating mangyari sa hanay ng PNP; nagtiwala tayo sa kaniyang tapang, disiplina, at propesyunalismo; nanindigan tayo sa kaniyang sinseridad, katapatan, at prinsipyo. Samahan ninyo ako sa ating taos-pusong pasasalamat kay Heneral Bacalzo, hindi lamang sa kaniyang pambihirang pamumuno sa PNP sa loob ng halos isang taon, kundi sa mahigit tatlong dekada niyang pag-aalay ng buhay para sa atin pong bandila. Sa ilalim ng kaniyang liderato, naisakatuparan niya ang mga inisyatibang sa mahabang panahon, ay tila pinapangarap lamang ng PNP. Tumutok siya sa pagpapataas sa antas ng kakayahan at mga kagamitan ni Mamang Pulis, na siya namang nagpaangat din sa moral ng buong PNP. Marami sa ating mga pulis ay sumailalim sa mga pagsasanay tulad ng Critical Incident Management, at Specialized Unit Inter-Operability Training upang sila ay maging epektibo tuwing reresponde sa mga operasyon. At agad namang nakita ang bunga ng mga pagsasanay na ito: Nito lamang Abril, matagumpay na nasagip ng ating kapulisan ang labinlimang kataong na-hostage ng grupo ni Kim Kim Perez sa Agusan del Sur. Maliban dito, makailang beses ding nanaig ang PNP sa mga paglusob ng NPA sa mga police station, gaya ng nangyari sa Panabo City, Davao del Norte; sa Lianga, Surigao del Sur; sa Trento, Agusan del Sur; at sa Mobo, Masbate. Naging makabuluhan din ang pagbaba sa insidente ng carnapping sa bansa sa ilalim ng liderato ni Heneral Bacalzo: mula sa 1,010 na insidente mula Enero hanggang Marso ng 2010, naging 460 na lang po ang naitala nating kaso sa unang tatlong buwan ng taong ito. Hindi lang ito tungkol sa pagpapababa sa insidente ng carnapping: pitumpu’t limang porsyento po ng mga nananakaw na sasakyan ay naibabalik rin po natin sa mga nagmamay-ari nito. Ilang pahina po ang isinumite sa ating listahan ng mga napagtagumpayan ng ating kapulisan sa ilalim ng pamumuno ni Heneral Bacalzo, at huwag po sana natin masamain kung hindi ko na isinama ang mga ito sa atin pong talumpati ngayong araw na ito. Aabutin po tayo ng pasko kung iisa-isahin pa po natin ang mga nagawa ni Raul Bacalzo. Ngunit hayaan po ninyo akong idiin ang isang punto: na may mga bagay na hindi kailanman masusukat ng estadistika; may mga tagumpay na hindi maikakahon sa mga porsiyento, at hindi masasapatan ng mga parangal o medalya. Sa pamumuno ni Heneral Bacalzo, araw-araw na ipinamalas ng PNP ang kanilang panibagong disiplina, dedikasyon sa katungkulan at katapatan sa bandila. Binubuwag na natin ang imahen ng pang-aabuso at katiwalian sa kapulisan. Nawawala na ang sapot ng pagdududa at agam-agam ng taumbayan sa inyo pong institusyon. Samakatuwid, unti-unti nang nawawala ang kulturang wang-wang sa atin pong kapulisan. Ito ang tinutukoy kong tagumpay. Kay Heneral Bacalzo: tiyak kong ang legasiyang iniwan mo bilang pinuno ng PNP sa loob lamang ng halos isang taon ay tatatak at mabubuhay sa mas mahabang panahon. Ulit, maraming salamat, Raul. Ang pagtikom ng mga pahina ng isang kabanata ay siya ring pagbubukas ng isa pang mas mayaman at kapanapanabik na kabanata. Ang pamamaalam ni Heneral Bacalzo ngayong umaga, ay siya namang hudyat sa pagbubukas ng panibagong yugto sa kasaysayan ng PNP; ang pagsalubong sa bagong pinuno ng kapulisan na si Heneral Nicanor Bartolome, at ang pag-asang higit pa niyang mapapatayog ang mga pundasyong itinindig ng kaniyang sinundan. Kay Heneral Bartolome: hinihikayat kitang ituring na personal na adbokasiya ang mas masigasig pang pagtugis sa mga kidnapper, carnapper, at iba pang mga masasamang elemento ng ating lipunan. Nananalig din ako, sampu ng sambayanang Pilipino, sa iyong kakayahan na ipagpatuloy ang sinimulan ni Heneral Bacalzo na palaganapin ang propesyunalismo, integridad, at kagitingan sa buong hanay ng kapulisan. Huwag na huwag mong bibiguin ang ating mga Boss. Malinaw po ang nais nating mangyari sa kapulisan at kasundaluhan: sa abot ng ating makakaya, itinataas natin ang kalidad ng kanilang kakayahan, armas, at iba pang pangangailangan, dahil batid nating susi ito para magampanan nila ang kanilang mga tungkulin sa pinaka-epektibong paraan. Ngunit sa likod ng mga bagong barkong inihahandog natin sa ating kasundaluhan, tulad ng BRP Gregorio del Pilar; sa likod ng apat na libong murang pabahay na ipinagkakaloob natin sa ating mga kawal at pulis; at sa likod ng mga programa at benepisyo na inilalatag natin para sa kapakanan ng PNP at AFP, ay ang mas malaking adhikain natin. Ginagawa natin ang mga ito para sa bawat miyembro ng kapulisan—heneral ka man na may ilang taon na lamang bago magretiro; inspektor ka man sa presinto na tumatanggap ng araw-araw na mga kaso sa inyong mga blotter; o PO1 na unang araw sa duty at makintab pa ang tsapa—dahil nais nating maramdaman ng bawat Pilipinong pulis ang panibagong kompiyansa at dangal tuwing isinusuot nila ang kanilang bughaw na uniporme, at ikinakabit ang kanilang tsapa sa kanilang dibdib. Nais nating lumaganap sa ating buong kapulisan ang isang sistema kung saan kapag may kabaro kang nangongotong at inaabuso ang katungkulan, hindi ka magdadalawang-isip na hulihin siya, dahil hindi mo hahayaang dungisan niya ang mayamang tradisyon ng PNP. Nais nating umiral sa kapulisan ang isang kultura kung saan hindi lamang sila tumatanggi sa suhol, kung hindi pinoposasan nila ang sinumang magtatangkang suhulan sila, dahil mulat silang hindi matutumbasan ng anumang halaga ang tiwala ng taumbayan. Nais nating mangyari ito dahil alam nating ito rin ang nais ni Juan at Juana dela Cruz: ang gumising araw-araw nang walang pangamba, at mapayapang makapamuhay kasama ng kaniyang pamilya, dahil tiwala siyang may Mamang Pulis na nagbabantay sa kaniyang seguridad sa lahat ng oras. At hangga’t pinapaigting natin ang tiwala natin sa isa’t isa; hangga’t pinapanatili nating nag-aalab ang malasakit natin sa bansa, at basta handa tayong humakbang pasulong at lampasan ang mga balakid tungo sa tuwid na landas, walang dudang magagawa natin ito, at matutupad natin anuman ang atin pong mga mithiin. Magandang araw po. Maraming salamat po sa inyong lahat.
0 Responses to “PNoy Speech on PNP Change of Command Ceremony”
Post a Comment